One of the truths about James Silver
Jocelyn Raymundo: Pinakamatalinong teacher na nakilala ko sa
tanang buhay ko. Sya ang dahilan kung bakit ako nagsusulat ngayon.
May pagkapasaway akong estudyante noon. Ilang beses na rin ako
muntikang ma-kick out dahil sa mga gulong pinasok ko. Palagi akong
nagka-cutting at palagi akong tulog sa klase. May makatotohanang dahilan naman
ako kung bakit ko yun ginagawa. Pero sa tuwing patatalsikin na ako sa school,
palagi nya akong pinagtatanggol. Sinusuportahan nya ako sa lahat. At isa sa
pinakasuportado nya saken ay ang pagsusulat. Palagi nyang ginagawang halimbawa
ang mga gawa ko.
Isang araw, naisipan nyang ilaban sa school competition ang
isang akda ko, na pinamagatang"Wasalak". Nakasali kami, pero kami ang
may pinakamababang score. Hindi ako umiyak nung natalo ako kasi wala naman
talaga akong tiwalang mananalo kami. Talo. Pero hindi ko napigilan yung luha ko
nung nakita ko syang iyak ng iyak nang dahil lang sa natalo ako. Hindi ko alam nun
kung bakit sobrang tindi ng tiwala nya saken. Ang sabi nya saken nun.
"Wag ka mag-alala, susubukan ulit naten next
year." nginitian ko na lang sya nun. Pero wala na talaga akong balak
sumali pa. Kasi pakiramdam ko napahiya na ako eh.
Fourth year na ako nun, sya pa rin ang paborito kong
teacher. Well, sya lang naman kasi ang pumapansin saken pag dating sa talento
ko eh. Pinagsulat nya ako ng pinagsulat. Nagrereklamo na nga ako kasi marami
nang sinusulat sa klase, madugong sulatan pa rin pag dating sa kanya. Ganyan
sya kalupit saken.
Sumali ulit kami ng competition. At sa pangalawa at huling
pagkakataon ko. Natalo kami ulet. Umiyak na naman sya. Ako hindi na, kasi alam
ko naman na ang mangyayari eh.
“Marami pa namang
pagkakataon. Hindi lang naman sa school ang mga ganitong competition eh.” Sabi
nya.
Malapit na ang graduation noon. Syempre lungkot lungkutan
ang mga estudyante. Pero masaya rin kasi excited na sila sa mga papasukan
nilang college. Ako hindi, wala lang. Gagraduate lang ako, yun lang ang nasa
isip ko. Kasi hindi naman ako makakapag-college eh.
Graduation. Masaya na malungkot. Ewan. Syempre, usap sa mga
kabarkada. “Mamimiss kita. Inuman pa rin tayo minsan ah.” Mga ganyang uri ng
litanya. Si ma’am Raymundo lang ang may sinabing matino saken. Magtiwala daw
ako sa sarili ko at may mararating ako. Tinandaan ko yung mga sinabi nyang yon.
At ginawa ko naman.
Pagkagraduate ko ay diretso na sa trabaho. Hindi na ako
nakapag-college. Pinag-awayan pa nga namin ng nanay ko yung tungkol doon eh. Sa
tuwing mababanggit ko na gusto kong mag-aral, eh naiiyak na lang sya at
nagagalit saken. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na ang pagtatrabaho ko at hindi na
nga ako nakapag-aral.
Sampung taon na ang lumipas simula nung grumaduate ako.
Tanda ko pa rin ang mga sinabi ni ma’am. Magkikita kami sa school para sa
alumni, nahihiya ako. Pumunta pa rin ako kahit na medyo matindi ang hiya ko.
Yung mga kasama ko kasing gago, hayun seaman na. Ako ‘tong pinagkatiwalaan at
may talent. Heto isang masahista. Pupunta lang sana ako para makikumusta. Pero
iniiwasan kong makita ako ni ma’am. Dahil sa lahat kasi ng nandun ay sa kanya
ako pinaka-nahihiya. Pero hindi ako nakaiwas sa kanya.
“Kenneth, kumusta na? Ano nang nangyari sayo?’ napakamot
lang ako ng ulo dahil hindi ko sya masagot. Hindi ko alam kung saan nanggaling
ang emosyon ko, pero bigla na lamang akong naiyak nung tanungin nya ako.
Napahagugol ako sa sobrang hiya sa kanya. Ang estudyanteng pinagtanggol nya ng
ilang ulet at ang estudyanteng pinagkatiwalaan nya; heto walang narating.
“Ma’am, wala pong nangyari saken eh. Nahihiya po ako sa
inyo.” Habang umiiyak ako.
“Tumahan ka nga dyan, buhay ka pa, kaya hindi pa tapos.
Naniniwala akong may mararating ka pa rin.” Sabi nya.
“Sana nga po.” Sabi ko.
“I’m proud of you.” Sabi nya na talaga namang ikinahagulgol
ko. Hindi ko alam ang ibig sabihin nya doon pero, ang salitang yon ang
nagpaliyab ng husto sa damdamin kong umaasa pa rin sa buhay na taglay ko. Mga
salitang tapos na, pero pinag-ugatan ng bagong buhay ng aking hangaring magtagumpay.
Tinandaan ko ang mga sinabi nya. “Magsulat ka hanggang maputol yang kamay mo.”
Dugtong nya.
Limang buwan bago ako magsimulang magsulat ng mga walang
kakwenta kwenta kong storya sa fb. Nabalitaan kong namatay na sya. Alam ko na
halos dalawang taon nya nang iniinda yon. Pero hindi ko inakala na ganun na
pala katindi yon. Hindi ko man lang sya nakumusta, dahil hindi na ako nakabalik
ng tandang sora. Pinatay sya ng cancer sa buto. Huling kita namin nakalagay na
sya sa isang banga.
Nawala ang katawan nya dito sa mundo. Pero habang panahon
syang mananatili sa puso ko. Habang kaya ko pa magsulat, magsusulat ako.
Magsusulat ako hanggang mamatay ako. Magsusulat ako kahit walang magbasa.
Imortal ang lahat ng salitang binitiwan nya saken na hanggang ngayon ay
naririnig ko pa. “Magsulat ka, hanggang maputol yang kamay mo.”
“So long as men can breathe or eyes can see; So long lives
this, and this gives life to thee.” – W.S. Napakaswerte kong tao dahil kay
ma’am ay naiintindihan ko kung ano ang ibigsabihin neto. Wala man sya sa
mundong ito ay palagi ko namang matatandaan na minsan sa buhay ko ay may isang
Jocelyn Raymundo na nagbigay ng buong tiwala sa lahat ng magagawa ko.
Alam ko na kung bakit proud saken si ma’am. At isang bagay
ito na habang buhay kong ipagmamalaki. Ito ang natatanging meron ako. Ang
tanging sandata ko para hindi ako bumagsak sa laban ng buhay ko. Magsisikap ako
at patuloy akong magsusulat. Walang tanong, walang pero. Magsusulat lang ako.
At ibabahagi ko sa lahat ng makakabasa ng akda ko ang aral na itinuro saken ng
isa sa mga bayani ng buhay ko.
Kung nasaan ka man ma’am, alam kong masaya ka na. Dito lang
ako at palagi kitang aalalahanin. Kagaya ng sinabi mo, hindi ako hihihinto sa
pagsusulat. At isa sa mga araw na darating sa buhay ko. Sisiguruhin kong mula
dyan sa kinalalagyan mo, tutulo ang luha mo at maririnig ko ang sigaw mong
aalingaw ngaw dyan sa buong kalangitan. “ESTUDYANTE KO YAN!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento