James Silver
Fiction
1992
Ako si Aldwin, dalawampung taong
gulang. Kung tatanungin mo ang itsura ko eh, sakto lang. May ilong, mata, bibig
at tenga. Nabiyayaan din naman ako ng kumpletong bahagi ng isang normal na
katawan. Pero kung ang hinahanap mo eh yung mukhang artista, aba eh bakit hindi
ka pumunta sa ABS CBN o GMA, marami sila dun mamili ka pa. Ang sabi ko nga
sakto lang, yung tipong hindi mo ako mapapansin pag inilagay mo ako sa gitna ng
mga naga-gwapuhang lalake. Baka isipin mo pa na longkatuts ako o boy. Walang
espesyal saken. Hindi ako kasing galing ni Einstein. Hindi ako kasing lakas ni
Superman. Hindi ako kasing bait ng isang santo, pero hindi rin ako kasing sama
ng isang demonyo. Ang buong pagkatao ko pisikal, mental at emosyonal ay ang
perpektong pakahulugan ng salitang ‘NORMAL’. Wala akong masyadong drama sa
buhay. Pero ang araw na ito ang pinaka-kakaiba sa lahat. Pasok sa telenobela
‘to. Ikaw ba naman ang magulpi eh ewan ko lang kung hindi ka magdrama.
“Magulang?” Medyo kakatwa ang
tagalog ng salitang ‘parent’ kasi kung bibigyan ng ibang pakahulugan ang
tagalog nito ay ‘madaya’ ang kalalabasan. Kaya ama’t ina na lang. Hanggang saan
nga ba ang kayang saklawan ng pagmamahal ng isang magulang sa kanyang mga anak.
Dalawampung taon na akong nabubuhay pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito
kayang sukatin. Pagkaminsan ay sa tignin ko, natatalo ito ng pagmamahal sa
isang kasintahan. Yun lang naman kasi ang uri ng pagmamahal na exclusive para
sa isang tao eh. Maraming mahal ang Diyos. Hati ang pagmamahal ng mga magulang
ko sa aming dalawang magkapatid. Kaibigan? Marami din yang mahal at kung minsan
pa nga ay hindi totoo ang pagmamahal na kayang ibigay ng isang kaibigan. Ang
pagmamahal lamang ng kasintahan ang walang kaagaw. Yun eh kung totoo, pero kung
mamalasin ka, malamang may kabit yang isa, dalawa, tatlo at ang pinakamalala
eh, yung kaibigang kinakausap mo, kasali rin pala sa club. Lintek diba?








